Mariing itinanggi ni Atong Ang na may kinalaman ang kaniyang kompanya sa mga nawawalang sabungero na umabot na sa 34 katao, batay sa pinakahuling ulat.
Mayroon umanong sabwatan ang kaniyang mga karibal na e-sabong operators para idawit ang kaniyang kompanyang Lucky 8 Star Quest Inc. sa nasabing kontrobersiya.
Layon daw ng kaniyang mga kalaban na pabagsakin ang kaniyang e-sabong operation sa bansa kaya pinagkaisahan siya ng mga ito.
Tinawag ring ‘trial by publicity’ ng gaming tycoon ang pag-uugnay ng kaniyang pangalan matapos idawit ng ilang testigo ang Lucky 8 Star Quest Inc. sa nawawalang mga sabungero.
Tatlo kasi sa mga sabungan kung saan huling nakita ang mga naturang sabungero ay pag-aari ni Ang.
Dahil dito humiling si Ang ng ‘executive session’ sa Senate committee on public order na pinamumunuan ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kung saan handa umano siyang magbigay ng impormasyon hinggil sa kaso.
“Papatunayan ko sa inyo na may conspiracy rito,” ani Ang. “Wala kaming kinalaman dito.”
Kabilang naman sa kaniyang mabibigat na karibal umano sa e-sabong industry na pinangalanan ni Ang ay sina Bong Pineda; isang Congressman Teves; si Agbiag party list Rep. Patrick Antonio; Mayor Elan Nagaño ng San Leonardo, Nueva Ecija; at isang General Cascolan.
Ayon pa kay Ang, naiinggit ang kaniyang mga karibal dahil nasa 90 hanggang 95 porsiyento umano ng mga sabong afficionados sa bansa ang tumatangkilik sa Lucky 8.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit ang kaniyang kompanya lamang ang iniimbestigahan ng Senado ngayon; bagay na pinabulaanan naman ni Senador Dela Rosa.
Giit ni Dela Rosa, pitong lisensiya ng e-sabong operators ang kanilang ipinasususpendi at hindi lamang ang sa Lucky 8.
Samantala, ibinahagi ni Ang na umaabot sa P1-B hanggang P2-B ang tayaan sa e-sabong araw-araw, o halos P60-B kada buwan at 5 porsiyento nito, o halos P3-B kada buwan, ang napupunta sa Lucky 8.
Mula naman dito, nasa P2-B hanggang P2.5-B ang ibinabayad sa kanilang mga agents, kaya nasa P900-M o P800-M ang natitira sa kanila kapag binawas na ang lahat ng gastos.
The post Atong Ang itinangging may kinalaman sa mga nawawalang sabungero; iba pang e-sabong operators, pinangalanan appeared first on NewsPresenter.
No comments