Nagkaroon ng katuparan ang childhood dream ni Jervi Li, mas kilala bilang KaladKaren, na maging isang newscaster nang maimbitahan siya bilang Star Patroller sa TV Patrol.
Pag-amin niya, bagama’t noon pa man ay pangarap niya na itong gawin, inisip niyang tila imposible ito dahil wala siyang nakikitang transgender gaya niya na gumagawa nito sa TV.

“Bata pa lang tayo gusto na natin na maging newscaster. Pero dahil transgender tayo, sabi ko sa sarili ko mukhang imposible na makakatapak tayo sa isang newsroom. Lumaki kasi ako na walang nakikitang Transgender sa TV. Or kung meron man, hindi sa paraang gusto ko at gusto kong gayahin,” kuwento niya sa isang Instagram post.
Kaya naman nang nagkaroon siya ng pagkakataon upang gawin ito, hiling niyang sana ay napanood ito ng mga kagaya niyang nangangarap lang noon at maging inspirasyon siya sa mga LGBTQIA+ upang patuloy na abutin ang kanilang mga pangarap.

“Kaya nga kagabi, noong magkaroon po tayo ng pagkakataong makapagbalita sa longest-running tagalog news program sa primetime television, ipinagdasal ko rin na sana mapanood ito ng mga batang katulad ko. Mga LGBTQIA+ kids na nangagarap na may abutin sa buhay,” sabi pa niya.
“Sana naging inspirasyon tayo kahit papaano. Sana mas marami pang kagaya ko ang mabigyan ng oportunidad gaya nito. At sana… sa pagbukas ng pintuan, lahat tayo makapasok.”

Dagdag niya pa, masaya siyang nagawa niya ang newscast bilang si Jervi. Matatandaang kilala siya bilang impersonator ng batikang brodkaster na si Karen Davila. “PS. I’m so happy I delivered the news as Jervi,” pagtatapos niya sa kaniyang post.
Isa na naman itong tagumpay para kay KaladKaren na gumawa rin ng history kamakailan sa Metro Manila Film Festival (MMFF) nang tanghalin siyang unang transgender na nanalo ng Best Supporting Actress award sa kaniyang pagganap sa pelikulang “Here Comes the Groom” sa nakalipas na Summer MMFF 2023.
The post KaladKaren nais magbigay-inspirasyon sa pagiging unang transgender Star Patroller ng TV Patrol appeared first on NewsPresenter.
No comments