Isang mala-Heneral Luna na talumpati ang narinig ng mga ‘kakampinks’ mula kay John Arcilla sa ginanap na Leni-Kiko grand rally sa Pasay City noong Sabado, Abril 23.
Isa si John, na gumanap bilang si Antonio Luna sa pelikulang ‘Heneral Luna’, sa mga celebrities na sumusuporta sa kandidatura nina Robredo at Pangilinan at dumalo sa naturang rally.
Pinalakpakan ng mga ‘kakampinks’ ang makapanindig-balahibo at emosyonal na talumpati ng premyadong aktor na umabot din ng halos 15 minuto.
“Korap o tapat? Kurakot o lingkod? Umiiwas o humaharap? Sumusugod o umaatras? Masipag o tamad? Trapo o tropa? Bayan, pumili ka,” pambungad ni John, na damang-dama umano ang paninindigan ng bawat isang nandoon sa pagtitipon.
“Ito ang tunay na pag-ibig sa bayan dahil ayaw natin ng korapsyon at kahit anong uri ng inhustisya — dahil itong dalawang ito ang dahilan kung bakit marami ang naghihirap sa ating mga kababayan,” dagdag pa nito.
Iginiit din ni John na hindi sila mga ‘yellowtards’, pinklawan o kaya ay bayaran, at lalong hindi sila mga komunista.
“Lahat ng kulay ay nandito – asul, dilaw, pula, berde, rosas at kayumanggi. Tayo ang sambayanang Pilipino!” wika pa nito.
Sa isang bahagi ng kaniyang talumpati ay sinagot rin ng aktor kung bakit sila naroon sa rally bukod sa pakikisaya sa kaarawan ng Bise Presidente.
“Hindi po namin sinasamba si Leni Robredo,” ani John. “Siya po ay aming sinasamahan sapagkat sinasamahan niya ang sambayanang Pilipino.”
Ipinaliwanag din ni John kung bakit kailangan ng bayan hindi lamang si Robredo kung hindi maging si Kiko Pangilinan at ang mga senatorial candidates na tumatakbo sa ilalim ng kanilang team.
Aniya, “Kailangan po natin siyang bantayan upang ang ating mga pangarap at ang kanyang pangako ay kanyang matupad, kaya ‘wag natin siyang iiwanang mag-isa sa upuan.”
Umani naman ng papuri mula sa mga netizens ang nasabing talumpati ng aktor dahil damang-dama umano nila na hindi umaarte si John Arcilla at tunay ang emosyong ipinakikita nito.
Panoorin ang buong speech ni John sa video na ibinahagi ng Rappler via YouTube”
The post ‘Bayan, pumili ka!’ John Arcilla ‘mala-Heneral Luna’ ang talumpati sa Leni-Kiko rally appeared first on NewsPresenter.
No comments